Tuesday, August 23, 2016

Libreng Reoryentasyon sa Panitikan

Libreng Reoryentasyon sa Panitikan, idaraos sa 7-9 Setyembre


Bilang bahagi ng ika-25 anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, magbibigay ito ng libreng seminar para sa mga guro, ang Pambansang Reoryentasyon sa Panitikan. Gaganapin ito sa 7-9 Setyembre 2016 sa Benitez Theater, Kolehiyo ng Edukasyon, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.

Layunin ng seminar na mabigyan ng reoryentasyon ang mga guro sa pagtuturo ng panitikan na nakabatay sa likás na katangian ng panitikang Filipino at maka-Filipinong pananaw. Magkakaroon ng mga panayam at talakayan hinggil sa halaga ng panitikan sa edukasyon, estado ng panitikan sa mga rehiyon, at lápit sa pagtuturo ng panitikan. Magsasagawa rin ng pakitang-turo sa epiko, kuwentong-bayan, at panitikang rehiyonal.

Bukás ito sa mga punong guro, tagapag-ugnay, mga guro sa Filipino at panitikan sa elementarya, sekundarya, at tersiyarya na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Para sa pagpapatalâ, tumawag sa (02)736-2525 lok. 105, (02)708-6972, o mag-email sa reacult@gmail.com, o mag-text sa 0929-876-5856. I-email o i-text ang buong pangalan, institusyong kinabibilangan, numero ng cellphone, at email. Ang dedlayn ng pagpapatalâ ay sa 26 Agosto 2016. Ang unang apatnapung (40) magpapatala ang mapapabílang sa seminar.

Thursday, August 18, 2016

KWF, magbibigay ng 25% deskuwento sa lahat ng publikasyon

KWF, magbibigay ng 25% deskuwento sa lahat ng publikasyon




Magbibigay ang Komisyon sa Wikang Filipino ng 25% deskuwento sa lahat ng publikasyon sa darating na Agosto 23. Ito ay handog ng KWF bilang pagdiriwang ng kaniyang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag.
Sa araw na iyon ay ilulunsad din ng KWF ang mga bago niyang aklat. Ang mga aklat ay mga salin ng mga panitikan ng mga rehiyon, mga klasikong akda ng daigdig, at pananaliksik sa wika at kultura. Bahagi ang mga ito ng isang pangmatagalang proyekto ng KWF na masimulan ang maaaring ituring na “Aklatan ng Karunungan” na magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino bílang wika ng paglikha at saliksik.
Bukod sa paglulunsad ay magkakaroon din ng huntahan sa pagsasalin ang ilang mahuhusay na manunulat na naging tagasalin ng KWF. Magkakasama sa huntahan sina Nicolas Pichay, abogado at kasapi ng Palanca Hall of Fame; Ferdinand P. Jarin, nagwagi ng NBDB National Book Award, Allan Derain, nagwagi din ng NBDB National Book Award, Michael Jude Tumamac (Xi Zuq), nagwagi sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2015, at Ergoe Tinio, nanalo ng Palanca Awards para sa kuwentong pambata.
Ang paglulunsad ay gaganapin sa tanggapan ng KWF, Gusaling Watson, Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Lungsod Maynila, mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon. Bukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang pagbebenta ng aklat.
Para sa mga tanong at detalye, maaaring makipag-ugnayan sa KWF sa telepono bilang (02)708-6972, (02)736-2525 lok. 105