Friday, July 15, 2016

WIKA NG KARUNUNGAN

WIKA NG KARUNUNGAN
Dr. Jennifor L. Aguilar

Kamangmangan, kamangmangan,
Ikaw ang umaalipin sa sambayanan
Ikaw ang gumagapos sa kaunlaran
Ikaw ang dahilan ng kaguluhan
Ikaw rin ang gumagahasa sa katiwasayan

Kay tagal mong nagkubli sa mga edukasyon ng dayuhan
Sa relihiyong niyakap at pananampalatayang hiram
Sa imperyalismo’t pananakop ng mauunlad na bayan
Kami’y iyong inilugmok, tinanggalan ng kasarinlan
Naghihikahos ngunit nangangarap ng aming kalayaan!

Kalayaan sa kamangmangan, kasaguta’y karunungan!
Nguni’t karununga’y makukuha ba sa wikang hindi alam?
WIKANG FILIPINO ang WIKA NG KARUNUNGAN
ng mga PILIPINO SA SARILING NATING BAYAN!

Edukasyong K-12 sagot ka raw sa kamangmangan
Outcomes-Based Education para makasabay sa ibang bayan
CMO 20 - FILIPINO’y tinanggal sa mga kolehiyo’t pamantasan!
Hindi ba’t lahat ito’y taliwas sa prinsipyo ng karunungan?

Palibhasa’y makadayuhan ang wikang nagpoproseso sa kaisipan
Kaya’t makadayuhan rin ang nakikitang kalutasan
Nawalan ng tiwala sa sariling kakayanan
Pananampalataya sa ibang lahi ang ipinagpipilitan
Iginigiit ang karunungang nagdadala satin sa KAMANGMANGAN!

CHANGE IS COMING!!!
Naghuhumiyaw na SIGAW ng mga PILIPINO
Ngayo’y iniupo ang kakaibang pangulo!
Papatayin ko kayo mga P*@#&$# Ina Nyo!
Madaling maunawaan dahil nasa Wikang Filipino

Wikang Filipino, Ipaglaban!
Gamitin sa Edukasyon ng sambayanan
Itama ang K-12 at ituon sa kailangan ng mamamayan
Maging siyentipiko, makamasa at makabayan

CMO 20, ibasura!
Filipino’y huwag tanggalin sa Kolehiyo
Edukasyong Pilipino para sa mga Pilipino
Patatagin ang pagkalahi, patatagin ang pagkatao
Doon lang tayo makasasabay sa mamamayan ng buong mundo!

Panahon nang itaguyod ang sariling wika
Sa sariling lahi, sa sariling bansa
Walang nang iba na dito ay dadakila

Kundi tayong mga iniluwal ng bayang sinisinta